Thursday, October 1, 2009

Iniligtas ako ng aking mga magulang sa droga

Katawan. Isipan. Kinabukasan. Kahihiyan. Kalooban. Lahat iyan papatayin at dudurugin ng droga. Walang maiiwan, maliban sa ilang kilong nabubulok na buto at laman.

Bawat umaga, sa aking pagsakay sa terminal papunta sa eskwelahan, di ko maiiwasang makita ang tatlong nilalang na naglalakad na walang direksyon. Marurungis at payat – ang isa ay halos walang damit - wala nang pumapansin sa kanila. Bahagi na sila ng landscape.

Mga anak o apo daw sila ng ilang dating mayayaman at makapangyarihang pamilya sa aming bayan. Matatalino at magagaling na mga mag-aaral at atleta noon. Minahal nang lubos (pagmamahal nga ba?) ng mga magulang. Ngunit, nalulong sa droga. Nasira ang utak, katawan, kalooban, kinabukasan. Nasira rin ang magandang pangalan.

Nakakaawa. Ngunit may malaking papel na ginagampanan sa aking murang isipan ang mga “baliw” na ito. Sila ay buhay na paalala sa akin, at sa maraming kabataang katulad ko, na ang droga ay isang malupit na salot sa lipunan na dapat iwasan at pandirihan.

Di na kailangang maranasan o matikman ang droga upang malaman ang kamatayang dulot nito. Habang nakikita ko silang mga palaboy-laboy, naglalakad na blangko ang mga mata, nanghuhuli ng elepante at dragon sa isang mundong nalikha dahil sa marijuana o shabu, nanginginig ako sa takot at pangamba.

Salamat sa aking mga magulang. Iniligtas nila ako sa tiyak na kapahamakan na dulot ng droga.

Walang programa o tiyak na sistema ang Mama at Papa ko upang ako at ang aking kapatid ay mailayo sa droga. Walang lectures. Walang required readings.

Minahal lang nila kami. Sapat na yun. At kung paano nila kami minahal, yun ang pinakamatinding panangga para sa aming kaligtasan.

Sabay ang buong pamilya na nanonood ng telebisyon. Pinag-uusapan namin ang mga eksenang napapanood. Nadi-deepen at na-ka-clarify ang mga values. Malimit, napag-uusapan ang kasamaang dulot ng drugs.

Napag-uusapan din ang droga sa hapag kainan, habang nagbi-biyahe nang sama-sama, habang nasa paglalaro, o kaya, habang naglalaba o nagluluto.

Malayang napag-uusapan sa loob ng bahay ang droga; hindi ito tinuturing na taboo. Kung itinuring ng mga magulang ko na isang malaking sikreto ang tungkol sa droga, baka ikinamatay ko ang pagtuklas kung ano nga ba talaga ang pantastikong misteryo na bumabalot dito.

Hindi ipinilit ng aking mga magulang ang kanilang mga ideya sa akin. Kung namilit sila, tiyak nagrebelde na rin ako. Bilang tin-edyer, kailangan ko ng kalayaan, o breathing space. Kailangan ko ang aking mga magulang para sa mga payo, pagkain, damit at bahay, ngunit gusto ko ring patunayan na kaya ko ang mapag-isa.

Sabi ng mga magulang ko, delikado ang droga. Nakamamatay. At lubos akong naniwala sa kanila. Hindi nila ako pinuwersang maniwala; bagama't sila'y nagpapaliwanag, nagpapakita, Nagsusuhestyon. Ngunit hindi dumidikta. Hindi namimilit.

Iginagalang nila ang aking karapatang magdesisyon, at karapatang panagutan ang anumang resulta ng prebilihiyong makapag-desisyon.

Hinikayat nila ako na palaguin ang aking mga angking talino. Pakiwari ko'y umaapaw ang aking enerhiya at mga ideyang nais humulagpos sa aking isipan. Maliit pa ako'y todo-suporta na sila: oratorical, pagsusulat, pagsasayaw, musika, sports, eleksyon sa SSG o SK, pag-aaral ng IT, at marami pa. Nandyan sila lagi, sa bawat panalo… at sa bawat pagkatalo ko.

Kahit medyo hirap sa badyet, pinilit nilang magkaroon kami ng gitara, lyre, electric organ, mga flute, music books, CDs, VCDs, DVDs, mga laruan at dolls, mga bola ng basketball, table tennis, soccer at volleyball, raketa ng tennis at badminton, bisikleta, skateboard, scooter, at marami pang iba. Bukod pa iyan sa napakarami at iba't-ibang babasahin at libro na sinadyang bilhin.

Ilang beses nag-enrol ang Mama ko sa pagluluto. At kaylan man, hindi ko naisip na mas masarap ang pagkain sa labas at sa ibang lugar, kaysa sa simple ngunit masutansiyang luto sa bahay.

Pakiwari ko'y lagpas ulo ang mga dapat ko'ng gawin sa buhay. Tiyak ang aking mga layunin araw-araw. Nais kong maka-graduate ng may honor, kahit cum laude man lang. Ang dami kong assignments. Kulang ang aking oras para sa mga dapat tapusin. At natatapos ko lahat nang maayos dahil na rin sa suporta ng aking mga magulang.

Nagtiwala sila. Hindi sila naniniktik sa akin at sa aking mga barkada. Hindi sila nagduda na baka mahikayat ako sa kasamaan. Mas may tiwala sila na kaya kong himukin sa kabutihan ang aking mga kaibigan.

Hindi nila ipinagbawal na makakasama ko lagi ang aking mga kaklase. Kung ipinagbawal nila iyon, iisipin ko'ng sobra na sila, at magkikimkim ako ng tampo at galit. Maaaring gumamit na rin ako ng droga upang ipadama sa kanila ang aking sama ng loob.

Sinsero at parang kaibigan lang ang pakikipag-usap nila sa akin. Kahit hirap ako minsan, pinapayagan nila kong ibulalas ang aking mga nararamdaman, kasama na ang aking hinanakit. Sila na mismo ang humihingi ng tawad kung nararamdaman nilang nasaktan nila ang aking damdamin.

Kung ako'y matamlay at tahimik, hindi nila ito pinalalagpas. Hindi sila hihinto hangga't di nila nalalaman kung ano ang gumugulo sa aking isipan o pangangatawan. Sasabihin nila na tila may problema ako. Magpapaliwanag ako. At magkakaunawaan kami.

Matibay ang relasyon ko sa aking mga magulang. Ito ang pinakamalakas na panlaban ko sa droga. Hindi ako nakaranas ng tinatawag na emotional vacuum. Hindi sila nawala noong dinaranas ko ang pinakamahirap na parte ng aking adolescence . Hindi ko kinakailangang mag-droga o maghanap ng “ibang” kaibigan o taong “mahingahan” upang punuan ang isang emotional void .

Maliwanag at patas ang kanilang mga rules . Kung ako'y napagagalitan, alam ko na iyon ay dahil sa matinding pag-alala nila sa aking kapakanan. Minsan, hindi na nagalit ang Papa ko. Hindi na siya nagsalita. Umiyak na lamang siya, at doon ko napatunayan na ang bawat pagkakamali ko ay dumudurog sa puso ng aking mga magulang

Nagdi-disiplina sila, hindi nagpaparusa. Pagkatapos ng mga pagdidisiplina, niyayakap kami at pinapaliwanagan. Nauunawaan ko na kahit nagkamali ako, mahal na mahal pa rin nila ako.

Higit sa lahat, nagpakita sila ng magandang halimbawa. Kasama sila sa mga rally at protesta laban sa droga. Nagsusulat at nagtuturo sila laban sa droga. Banned sa bahay namin ang mga sleeping pills, tranquilizers o sigarilyo. Ang mga alcoholic drinks sa bahay ay gamit panluto lamang ng Mama ko. Mas higit silang kapani-paniwala dahil sa kanilang ginagawa.

Kung hindi dahil sa aking mga magulang, malamang, lulong na rin ako sa droga ngayon. At baka durog na rin ang aking katawan, kaluluwa, kalooban, kinabukasan at kahihiyan.

(Mithi Malaya, 20 years old, writes from NDMU. She has just graduated, cum laude, from the course BSIT)

No comments:

Post a Comment