MATAGAL NA NATING ALAM ITO, pero uulitin ko: bulok ang pulitika sa Pilipinas. Bakit uulitin pa natin dito ang katotohanang ito? Kasi, bahagi na ang halos bawat isa sa atin ng mga kabulukang ito. Ang iba sa atin, manhid na. Wala nang pakialam. Wala nang nagagalit sa nakakasukang pulitika.
Ayon sa mga Obispong Katoliko sa Pilipinas sa kanilang 1997 “Pastoral Exhortation on Philippine Politics”, tunay na nakakasakit sa bayan ang pulitika sa Pilipinas. Ito ang pinakamalaking sumpa sa ating buhay bilang isang bansa, at ang pinakamatinding balakid sa ating tunay na pag-unlad.
Ayon sa kanila, ang pulitika ay naging tunggalian ng interes ng mayayaman laban sa interes ng mas nakararaming mahihirap. Sinisira nito ang sistema ng katarungan at ang pantay-pantay na pagpapatupad ng mga batas. Pabor ang sistemang pulitika na ito sa mga taong may mga padrino at koneksyon.
Ang pamahalaan ay pinamumugaran ng mga tauhan ng mga pulitiko, ayon sa mga Obispo. Marami sa mga empleyadong ito ay walang ginagawa kundi ang kumubra ng kanilang sweldo bawat petsa kinse at petsa treynta ng buwan. Dahil dito, pinanghihinaan ng loob ang mga opisyal at empleyadong may mabubuting loob at intensyon. Tatahimik na lamang ang iba, o kaya’y nag-re-resayn na lamang. Ang ibang nagpapatuloy sa kabila ng matinding pagka-eskandalo ay tinatakot, iniipit o kaya’y nagiging bahagi na rin ng mga kabulukan.
Sabi ng mga lider-Katoliko, ang tunggalian ng mga pulitiko ay para lamang sumikat sa midya o kaya upang mas malaki pa ang maaring tanggapin mula sa mga mas makapangyarihan. Ang sistema ay puno ng mga pagkakataon upang magnakaw, mamigay ng pabor sa mga taga-suporta, at walang pakundangang paggamit ng mga gamit at salapi ng gobyerno para sa pansariling layunin.
“Wala nang tiwala ang taong-bayan sa gobyerno, sa Kongreso, at sa sistemang elektoral, kung kaya hindi na rin nila nakikita ang halaga ng kanilang mga boto para sa kani-kanilang buhay at kinabukasan, maliban sa pagbenta nito sa panahon ng halalan para sa pansamantalang kita.
Kung bakit tayo naging ganito – isang bansang napakarami ang mga mahihirap at walang kapangyarihan – ay dahil hinayaan nating babuyin at i-prostitute ang ating pulitika, ayon pa sa mga Obispo.
Hamon nila, hindi hahayaan ng sinumang sumasampalataya sa Diyos ang ganitong uri ng pulitika, pulitikang instrumento ng kamatayan at pagkasira.
Ipinahayag ng mga pinuno ng simbahang Katoliko na ang pulitika ay may moral at espiritwal na dimensyon. Maari itong sumira o magbigay-buhay sa bayan. Ang misyon ng bawat Kristiyano ay upang punuin ng liwanag ng ebanghelyo at kaharian ng Diyos ang pulitika.”
Totoo ito noong 1997. Mas malala pa ang sitwasyon ngayong 2006. Pagkatapos ng siyam na taon, tila wala yatang nakikinig o naniniwala sa turo ng Simbahang Katoliko?
No comments:
Post a Comment